SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, uesday, November 6, 2007
BATID ni Speaker Jose de Venecia Jr. na bahagi siya ng problemang dumi sa gobyerno. Kaya nang hikayatin niya si President Arroyo na mamuno sa “moral revolution,” nangako siyang maglilinis din ng pork barrel sa Kongreso. Kaso mo, dinedma lang siya ni Arroyo. Ipinabatid nito ang tingin niya sa panukala ni De Venecia nang bulyawan niya ito sa isang pulong para pagbatiin sila. Tapos, nag-press statement ang MalacaƱang na dapat ay si De Venecia — dahil sa kanyang mas mababang ranggo sa gobyerno at partidong Lakas — ang sumunod sa programa ni Arroyo. At binalewala pa ni Arroyo ang sunud-sunod na insidente ng panunuhol na nagpagalit sa madla na ikinabahala ni De Venecia.
Ngayong mag-isa siya sa pagrereporma, nagdadalawang-isip si De Venecia. Nu’ng una, sabi niya’y pipilitin niya ang mga kongresista na mag-line item disclosure ng pork barrel. Ibig sabihin, sa taunang pagba-budget pa lang ng bansa, ililista na ang mga proyektong gagastahan nang tig-P70 milyon ng mga kongresista (at tig-P200 milyon kada senador). Ngayon, dahil inisnab at inismiran siya ni Arroyo, bumabaliktad na si De Venecia. Sabi niya, huli na raw repormahin ang pork barrel dahil naipasa na ng Kamara ang 2008 budget. Kumbaga, saka na lang ito lilinisin — sa isang taon kaya, kung may makaalala.