SAPOL Ni Jarius Bondoc, Monday, Pilipino Star Ngayon, November 12, 2007,
BAGO magbukas ang 14th Congress, nag-briefing si Budget Sec. Rolando Andaya Jr. sa halos 100 bagitong kongresista ukol sa mga pribilehiyo nila. Kabisado niya ito dahil tatlong termino siya naupo sa Kamara at chairman ng committee on appropriations. Masarap mag-kongresista, umano’y ani Andaya, “puwede pumasok sa trabaho, puwedeng hindi, pero tuloy-tuloy ang suweldo.” Inabisuhan pa niyang huwag na huwag magkakamaling magbayad ng inoorder sa Batasan South Lounge, dahil libre sa kanila ang pagkai’t inumin doon.
Maaring pabiro raw ang salita ni Andaya. Pero hindi ito nakatutuwa para sa taxpayers na nagtutustos ng gastusing gobyerno. Lalo na kung iisipin na palagi walang quorum ang Kamara. Aba’y 148 batas lang ang naipasa ng huling Kongreso. Dati-rati nasa libo ang produkto nito. Ngayon pababa ang output habang pataas ang input na pondo ng Kamara.
Kasunod na nag-briefing si Speaker Jose de Venecia. At dagdag pang mga pribilehiyo ang tinalakay niya. Aba’y hindi lang pala ang buwanang suweldong P35,000 ang aasahan nila. At hindi lang din ang taunang P70 milyong pork barrel.
Marami pa palang ibang taunang perks: Foreign travel, P220,868; district staff allocation, P650,000; contractual consultants, P120,000; research, P396,000; consultative local travel, P788,764; communication, P129,600; supplies, P120,000; public affairs fund, P308,400; central office staff, P1,982,034; equipment, furniture, fixtures, P21,538; at other maintenance and operating expenses, P600,000.
Total na P5,337,204 pa pala ang inuuwi ng bawat kongresista. Kaya ko sinabing puwede nila ito iuwi nang buo dahil walang audit ito. Kung isa lang ang empleyado ng isang kongresista at sampu naman ang iba, tatanggap sila ng parehong halaga. Kung may field office man o wala ang kongresista, dahil taga-Metro