SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, November 26, 2007
Magugunita mula sa ulat ang maraming kabanata sa kasaysayan ng pagyurak sa sining at pagsunog ng libro. Libong taon na nang wasakin ng Persians ang arkitektura ng Egypt, at ni Caesar Augustus ang libraries ng Alexandria. Winala rin noon ang mga tula ni Cicero, ninakaw ang obelisks ng Greece. Nito namang modern age, sinunog ng Red Guards sa China nu’ng 1960s Cultural Revolution ang mga “librong burgis at piyudal”, at dinurog ng mga Taliban sa Afghanistan ang mga higanteng estatwa ni Buddha na inukit mula sa gilid ng bundok. Sa parehong insidente, sinira rin ng Red Guards at Taliban ang mga “kolonyal” na musical instruments, tulad ng biyulin at piyano.
Bakit nga ba winawasak ng ilang grupo ang mga gawang sining at libro? Hindi ba nila alam na sa Talmud ng mga Hudyo at Koran ng mga Muslim ay sinasabing merong isang Great Library bago pa man likhain ang mundo? Hindi ba nila alam na gan’un na lang ang pagpapahalaga ng mga nag-iisip na tao para sa mga likhang sining at panitikan?