Friday, November 16, 2007

Nasa $100 na kada bariles ng krudo

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, November 16, 2007

MAGKAKA-KRISIS sa buong mundo — pero lalo na sa mga atrasadong ekonomiya tulad ng Pilipinas. Ang presyo ng krudo ngayon ay halos $100 na kada bariles. Ibig sabihin dodoble ang presyo ng diesel at gasolina mula sa nakasanayan natin nu’ng $50-$60 pa lang ang krudo. Lahat ng iba pa magmamahal: kuryente, pasahe, pagkain at iba pang produkto.

Kaya hindi pa matindi ang pagtaas ng presyo sa mga gasolinahan ay dahil sumisigla ngayon ang piso kontra sa dolyar na pambayad sa oil imports. Pero umuurong na parang low-class na tela ang ekonomiya ng America. Di magtatagal, hihina ang pagbili nito ng produkto ng ibang bansa. Lulupaypay ang buong mundo. Hihina muli ang piso — at matulin na magmamahal ang diesel at gasolina.

Kaya ngayon pa lang, magsanay na tayong magtipid. Alam na natin ang karamihan sa mga tips na ito. ‘Yun nga lang hindi natin sinusunod:

• Planuhin ang dalas at ruta ng pagbiyahe ng kotse. Iwasan ang rush hour na umuubos ng fuel pero halos walang nararating. Iwasan ang malimit na pagbiyahe, lalo na kung nag-iisa lang. Kung malapit lang, mag-jeep, bus o tren. Mas mabuti, maglakad; exercise pa.

• Magkarga ng diesel o gasolina sa umaga, kung kelan malamig pa ang lupa sa paligid ng tangke sa istasyon at hindi naka-expand ang laman. Dahan-dahan lang ang pagkakarga; kasi kung malakas ang bulwak mula sa pump, maraming hangin ang sumasama at nakakadagdag sa patak ng metro. Pag kalahati na lang ang laman ng tangke ng kotse, mag-full tank na, para bawas ang hangin sa loob kung saan mag-e-evaporate ang karga.

• Karamihan ng electric power plants ay pinatatakbo ng krudo. Ipatay ang mga hindi kailangang ilaw o appliances sa bahay, lalo na ang makonsumo sa kuryente tulad ng air-con, bentilador at stove. Gumamit ng maka­bagong bumbilya imbis na incandescent. Planuhin ang paggamit ng stove, microwave at electic kitchen gadgets. Mag-defrost ng refrigerator.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com