Tuesday, November 27, 2007

Suko na sa giyera kontra katiwalian?

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, November 27, 2007

ISANG dating heneral, hindi basta-basta nasisiraan ng loob si Sen. Panfilo Lacson. Pero bakas ito sa kanyang mukha at boses nu’ng Martes, sa Senate hearing ng Malacañang bribery. Walang ahensiyang interesadong uliratin ang pamamahagi sa Palasyo nu’ng Okt. 11 ng tig-P500,000 sa daan-daang kongresista at local officials. “Susuko na ba tayo sa katiwalian?” aniya.

Paano ba naman hindi sasama ang loob ng senador — at ng madla? Biruin mo, sa 19 kataong inimbitahan sa Senado na magsabi ng nalalaman tungkol sa “cash gifts”, apat lang ang dumalo. Isa si Bulacan Gov. Joselito Mendoza na, tulad ni naunang Pampanga Gov. Ed Panlilio, nagkomento na hindi suhol ‘yon dahil wala namang hininging kapalit. Sabi naman ng Anti-Money Laundering Council, na akala ng publiko ay matapang, hindi nila tinuring na maanomalya ang nangyari kaya ni hindi pinansin. Ito’y sa kabila ng paglabag sa tatlong batas: ang pagbigay ng perang gobyerno na cash imbis na tseke; ang pagtanggap ng “regalo”, na kontra sa Code of Conduct; at ang pagbigay nito, na indirect bribery sa Revised Penal Code.

Pinasipot ng Malacañang ang hepe ng finance section, dahil wala naman itong sasabihin kundi hindi alam ang pamu­mudmod na pera. Pero hindi nagpakita ang mga napaulat na sangkot na executive officials: sina Interior Sec. Ronaldo Puno at dalawang ayudante niya. Malinaw na pakay ng Malacañang na pagtakpan ang maanomalyang insidente.

May pattern na ang kilos ng ehekutibo. Nang ma-expose ang ZTE scam, pagtatahimik ang unang paraan ng pagtatakip. Nang patuloy ang exposé, tinangkang takutin ang media (pati ako). Nang mag-imbestiga ang Senado, kinansela bigla ang kontrata, sabay sinabihan ang mga senador na ihinto na ang hearings. Nang ituloy ang hearings, iginiit ang E.O. 464, na nagbabawal ang pagdalo ng executive officials sa Congress inquiries nang walang pahintulot ng Presidente. Ipaubaya na lang kuno sa Ombudsman ang imbestigasyon. Pero alam naman ng lahat na ang hepe nu’n ay kaklase ni First Gentleman Mike Arroyo sa law school, at ang mga deputy ay mga kamag-anak ng mga dapat isakdal. Walang mangyayari, suko na lang.