SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, November 5, 2007
PAG-IWAS ang laro ng Malacañang. Nang kanselahin ang nabistong maduming ZTE deal, inasam nito na itigil na ng Senado ang pag-ukilkil sa mga nanuhol at nasuhol. Sa pagtawag sa Ombudsman na imbestigahan ang suhulan ng 60 gobernador sa Palace gardens mismo, inakalang mamamatay na ang isyu. Buti na lang hindi kaya ng Malacañang lokohin ang mga nag-iisip na Pilipino.
Matatandaang tatlong sunud-sunod na insidente ng panunuhol ang pinag-uusapan dito. Una, ang tangkang pagbili sa anim na opposition congressmen nang tig-P2 milyon sa Batasan, para pirmahan ang fake impeachment complaint kay President Arroyo. Nabistong kapartido nina Arroyo at DILG Sec. Ronnie Puno sa KAMPI ang mga salarin. Ikalawa ang pagbigay ng tig-P500,000 sa 189 administration congressmen — halos P100 milyon — sa bulwagan ng Malacañang para puwersahin si Speaker Jose de Venecia para isulong ang fake impeachment. Ikatlo ang pamimigay ng tig-P500,000 muli sa 60 gobernador para manahimik tungkol sa impeachment. Napaulat na sinisi ni Executive Sec. Ed Ermita si Puno — ulit — dito.
Pinagpapaliwanag mismo si Arroyo ng 19 na business at civil society groups. Kabilang ang Management Association of the Philippines, Finance Executives Institute, Bishops-Businessmen’s Conference, at Makati Business Club, anila masyado mabagal ang naging pagkilos ni Arroyo sa suhulan. Kung nais pa raw ni Arroyo ng credibilidad, dapat ay huwag sa Ombudsman ipasuri ang mga naganap, kundi sa isang independent commission ng mga pinaniniwalaang malilinis na mamamayan. At sinabi rin nila na alamin ng Anti-Money Laundering Council kung saan talaga galing ang pera. Ito’y dahil inako ng League of Philippine Provinces ang pamimigay ng pera sa mga governors, pero wala naman itong account sa banko na nagbalunbon ng cash na tig-1,000 P500 bills.