Friday, November 2, 2007

Shipwreck sa Leyte kinakarne ang bakal

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, November 2, 2007

HUMIHINGI ng saklolo sa media si Yvette Lee, professional scuba diver. Matutuyuan na kasi siya ng dugo sa krusada niya laban sa mga sumisira sa karagatan. Matitigas kasi ang ulo ng mga huli. Tinutukoy ni Yvette ang crew ng barge na kumakarne ngayon sa World War II shipwreck sa San Pedro Bay, Leyte. Pinalayas na sila ng Coast Guard, pero nagbalik makalipas ang dalawang araw para ituloy ang paghila ng bakal mula sa seabed.

Ang permit ng crew mula sa Department of Environment and Natural Resources ay para sa “Shipwreck/Sunken Vessel Recovery.” Inisyu ito nu’ng Hunyo 2007 ni noo’y DENR Sec. Angelo Reyes sa ilalim ng batas ukol sa treasure hunting. At tinutukoy sa permit na para lamang ito sa recovery ng posibleng hidden treasures sa permit area.

Pero hayun, ang ginagawa ng crew ay hindi paghaha­nap ng tagong yaman. Pinipira-piraso nila ang bakal at ikinakarga sa barge — para ibenta. Sa tantiya ng mga nagmamasid, P7 milyon na ang nasa-salvage na bakal, sa estimang P15 kada kilo.

May ilan pang alituntunin sa permit na malamang nilalabag. Dapat daw, halimbawa, kumuha ng ibang nararapat na permit para sa iba pang aktibidad. Iba ang permit para sa salvaging; dapat kumuha nito imbis na gamitin ang treasure hunting permit.

Ayon din sa permit, dapat mag-report ang crew ng accomplishment kada quarter, ipaalam sa DENR ang pagtuklas ng treasure sa loob ng 24 oras, itawag sa National Museum kung merong nataguang mahalagang artifacts, at iparte sa gobyerno ang kalahati ng nakuha. Ang tanong: Matutupad kaya ito, gayong treasure hunting permit ang ginagamit ng crew para sa salvaging? Mapang­­wasak sa dagat ang basta pag-salvage ng shipwreck. Limampu’t-limang taon nang tinitirhan ng isda ang lumu-bog na barko. Bahagi na ito ng pangisdaan ng sampung coastal barangays sa San Pedro Bay. Kapag hinayaan ito, marami pang ibang shipwrecks na wawasakin.