SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, November 13, 2007
MAPAGPAHAMAK ang pag-ako ni Deputy Speaker Amelia Villarosa na siya ang namahagi ng tig-P500,000 sa mga kongresista sa MalacaƱang nu’ng Oktubre 11. Nilalayo niya ang minamahal niyang Presidente Gloria Arroyo sa gusot, pero lalo lang itong nabaon sa pagtatakip niya.
Butas-butas kasi ang kuwento ni Villarosa. Una, sabi niya na pera ng Kampi party ang ipinamigay bilang tulong sa mga baguhang kapartido sa Kongreso. Kung gan’un, bakit binigyan niya si Rep. Benny Abante ng karibal na Lakas party? Kesyo wala raw kinalaman si Arroyo sa pera. Pero bakit nga ba sa MalacaƱang nagbigayan ng pera, matapos mag-almusal ang mga imbitadong kongresista tungkol sa pagkontra sa impeachment ni Arroyo? Ngayong Nobyembre 6 lang daw siya umamin dahil nasa probinsiya siya ng Mindoro. Bakit, wala ba siyang cell phone para magpaliwanag — para iligtas ang minamahal niyang Presidente na isang buwan nang tinitira sa media ng panunuhol?
Ngayon, ipina-e-expel siya ng kapartidong Rep. Jose Solis dahil wala naman daw pera ang Kampi para ipamahagi. Pinaiimbestigahan din siya ni Presidential Legal Counsel Sergio Apostol. At galit sa kanya si Kampi chairman Ronnie Puno dahil hindi umano inabisuhan tungkol sa plano at eskandalosong pamimigay ng pera sa loob ng Palasyo.
Buong-loob niyang haharapin ang anumang imbestigasyon, ani Villarosa. Hindi raw niya inako ang eskandalo para ipa-pardon kay Arroyo, tulad ni Joseph Estrada, ang asawang nakakulong sa kasong murder. Wala naman daw sala ang esposo niya, kaya ang gusto niya ay acquittal sa apela sa Korte Suprema.
Huwag nga sanang bigyan ng pardon ni Arroyo ang asawa. Kasi lalabas itong suhol para sa pag-ako sa naunang panunuhol. Miski nga absuweltong manggagaling sa Korte Suprema, na 13 sa 15 justice ay appointees ni Arroyo, ay magiging kahina-hinala.