Monday, January 14, 2008

Naka-sports car nga, balasubas naman

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, January 14, 2008

ANG 81 smuggled sports cars na kinumpiska kamakailan ay pinalusot lang sa Customs nang wala o katiting lang na buwis. Ipinapasyal pala nang ilegal sa highway ng mga may-aring kolektor ang mga magagarang sasakyan. Wala pala silang karapatan ipagmalaki ang mga kotse dahil huthot lang pala ito sa taumbayan.

Natuklasan ng Presidential Anti-Smuggling Group na di lang pala mahimalang nairehistro sa Land Transport Office-Cebu ang 81 Mercedes Benz, Ferrari, Jaguar, BMW, Audi at Lamborghini. Ilan sa mga luxury cars ay dineklarang mura lang — para mababa lang din ang import duty. Ang iba naman ay peke ang Customs certificates of payment — ibig sabihin ay ni walang buwis ang mga ito.

Kung kulang o walang buwis ang mga kotse, kuwenta sagot ito ng taumbayan pero ine-enjoy ng mga balasubas na may-ari. Pinapatawan ng buwis ang lahat ng luxury items dahil sa dalawang rason: Una, para protektahan ang mga lokal na gumagawa ng mga produkto laban sa bagsakan ng presyo mula sa ibayong dagat; ikalawa, rendahan ang conspicuous o masyadong marangyang paggastos. Kaya ang tax sa luxury items tulad ng helicopter o yate o alahas ay doble ng talagang halaga nila.

Kapag hindi nagbabayad ng buwis ang mga balasubas na may-ari ng sports cars, kinukulang ang pondo para sa batayang serbisyo ng estado, tulad ng patubig, kalusugan, edukasyon, pabahay at pagkakalsada. Pero dapat punuan ito dahil nakatakda na sa taunang budget. Para punuan ang kakulangan, umuutang ang gobyerno, upang hindi mapatid ang basic services. Sino ang nagbabayad ng utang? Siyempre ang taumbayan. Kaya kung tutuusin, taumbayan din ang tunay na may-ari ng mga kotseng ipinuslit nang wala o kulang ang buwis.

Nararapat lang na isubasta ng PASG ang mga kumpiska­dong kotse. Dapat din kasuhan ang mga nagpuslit, at mga kasabwat nila sa Customs.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com