SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, January 8, 2008
’YAN ang masama sa pag-pardon sa convict na hindi naman nagsisisi. Nagigimbal ang lipunan. Ehemplo ang pag-release kay Joseph Estrada wala pang tatlong linggo mula nang masentensiyahan.
Sa isang matatag na Republika, balik-kalaboso agad ang convict na sumira sa kondisyon ng parole. Hindi ito mangyayari sa administrasyon na, sa takot kay Erap, ay kara-karaka itong pinalaya upang pasayahin ang mga tagahanga. Kaya ang mga tauhan ni Gloria Arroyo ay humihikbi na lang na hindi naman talaga ibinalik ng pardon ang karapatan ni Erap na iboto dahil convict. Pero wala silang ginagawa tungkol sa pagboto nito o sa paglabag sa utos ng korte na isauli ang kinulimbat na P3.2 bilyon.
Masasama ang aral sa Erap pardon. Unang pahiwatig ay mabibili pala ang kalayaan kung malaking halaga ang kulimbatin. Sa pagtutuya niya sa sistemang hustisya, mauudyukan ang iba pang preso na magpa-VIP treatment tulad niya. Hihingi rin sila ng parole miski hindi nagsisisi sa krimen sa pamamagitan man lang ng pagbayad sa mga biktima.