SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, September 4, 2007
MARAMI ang nagtatanong sa akin: Ano na ang mangyayari sa usaping ZTE — ngayong matapang na isinangkot ni Rep. Carlos Padilla si Comelec chairman Benjamin Abalos sa maruming kontrata, at umamin ang huli na hindi bababa sa apat na beses siyang nakipag-golf sa ZTE Corp. executives sa Shenzhen nitong nakaraang taon? Ano ang kabuntot ng pagbunyag ni Finance Sec. Gary Teves na si Abalos nga ang naglapit sa kanila nina Transport-Communications Sec. Leandro Mendoza sa ZTE execs para pag-usapan ang national broadband network.
Siyempre, dapat magkaroon ng malalim at malinaw na inquiry ang House of Representatives. Arukin nila kung ano’ng mga batas ang dapat pasakan o ipasa para hindi na maulit ang pagyurak sa mga mahuhusay na kakompetensiya na hindi nanunuhol, o ang pakikialam ng isang Comelec official sa trabaho ng ehekutibo, o ang pag-abuso ng executive agreements. Ika nga ni Rep. Prospero Nograles, kung may ginawang mali si Abalos, dapat siya i-impeach ng House at litisin ng Senate. Hinding-hindi dapat pagbayarin ang mamamayan nang $330 milyon (P16 bilyon) para sa isang kontratang itinatago sa kanila ng gobyerno. Hinding-hindi dapat umutang ang gobyerno nang walang paliwanag sa madla, tapos otomatikong babayaran ang taunang hulog miski pumalpak ang proyekto.
Ipagdasal nating umandar ding mabilis ang mga kaso sa korte. Kasi, hinabla ni Padilla ng graft sina Mendoza at DOTC Asecs. Elmer Soneja at Lorenzo Formoso at tatlong ZTE execs sa paglabag sa apat na batas: Build-Operate-Transfer Law, Procurement Reform Act, Telecoms Policy Act, at Omnibus Election Code. Si Iloilo vice governor Rolex Suplico naman, pinahihinto sa Korte Suprema ang national broadband network contract ng ZTE hangga’t hindi ito naibubunyag na nirerepaso ng mga eksperto.