SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, September 25, 2007
NAKAKA-DALAWANG hearing pa lang sa Senado tungkol sa maruming ZTE deal, marami nang pagdududa ang lumulutang. Bulong-tanong ng mga tao: nagpapasiklaban lang ba ang mga senador na balak kumandidato pagka-Presidente sa 2010? Maaarok ba talaga kung sinu-sino ang kumita nang pailalim sa $330-milyong (P16-bilyong) kontrata? Saan nga ba mauuwi ang hearings na kino-cover ng radio-TV live nang 5-6 na oras?
Natural lang ang mga tanong na ‘yan. Dala na kasi ang madla sa ilang pulitiko na pumoporma lang dahil nakatutok sa kanila ang camera o mikropono. Inis na ang publiko sa puro “inquiry in aid of legislation,” tapos ni walang report sa huli.
Pero bagong Senado ito. Maraming bagong mukha. May bagong pag-asa.
Maraming maaring ibungang reporma ang Senate inquiry. Hindi lang naman Blue-Ribbon Committee ang nag-iimbestiga ng anomalya. Nand’un din ang committees on national defense at trade and industry.
Ang national broadband network ay itatayo ng ZTE Corp., na pag-aari ng Chinese generals at bantad sa pag mamanman sa Internet. Maaring makaakda ng batas ukol sa mga kontratang gobyerno na ikapapanganib ng national security. Ang NBN ay maaring yumurak sa karapatan ng mga Pilipino telecoms firms — PLDT/Smart, Globe, Sun — na nagbabayad ng buwis. Maaring magkaroon ng batas ukol sa pangongontrata ng gobyerno sa dayuhang kumpanya miski kaya naman ito gampanan ng lokal.
Halos lahat ng senador ay dumadalo sa hearings. Kuwenta nand’un na rin ang committee on foreign affairs at electoral reforms.
Maaring magkaroon ng batas tungkol sa pagsang-ayon ng Senado sa mga kontrata ng gobyerno sa dayuhang kompanya. Maaaring tapyasan ang labis na kapangyarihan ng Comelec head tuwing election period. Maari rin maayos na sa wakas ang sistemang halalan, na hindi na pinagtitiwalaan ng madla.