SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, September 17, 2007
MALINAW ang leksiyon sa verdict ng Sandiganbayan kay Joseph Estrada: Miski pala Presidente, na pinaka-makapangyarihang opisyal ng bansa, ay maaring isakdal, litisin at sentensiyahan dahil sa katiwalian. Magsilbing leksiyon sana ‘yan sa mga susunod na Presidente.
Mahigit 11 milyong botante ang humalal kay Erap nu’ng 1998 — pinaka-malaking boto para sa posisyon sa kasaysayan ng Pilipinas, miski 33% lang ‘yon ng electorate. Ang popu laridad niya ay nasa 60% nu’ng 2000, nang ibunyag ni Chavit Singson ang pagnakaw nina Erap at Atong Ang ng tobacco excise taxes at pagtanggap ng jueteng payola. Dinaan sa bilis ni noo’y Speaker Manny Villar ang transmission ng impeachment sa Senado, kung saan hinarang ng mayorya ang pagbukas ng sobreng may lamang ebidensiya. Nauwi ito sa People Power EDSA-2, at naluklok si Gloria Arroyo. Bumalik na sa kani-kanilang bahay at buhay ang mamamayan, at hinayaan ang mga awtoridad ipatupad ang batas.
Maaalalang sinuri ng Ombudsman ang mga kasong isi-nampa laban kay Erap: Plunder ng P2 bilyon at perjury sa pagpepeke ng statements of assets and liabilities. Hinuli siya ng pulis sa bahay. At sa pamumuno ni Chief Special Prosecutor Dennis Villa-Ignacio, nilitis ang kaso niya sa special division ng Sandiganbayan.
May mga panlalambot ang Arroyo administration sa kasong ito. Sa kabila ng protesta ni Villa-Ignacio, nagawan ng paraan para “ipiit” si Erap sa sariling rest house sa Tanay, Rizal, at sa Veterans Memorial Hospital, imbis na sa Quezon city jail o Camp Crame stockade na kulungan ng ibang sakdal ng plunder. Ilang beses din nagpahiwatig ang MalacaƱang na pahihinain ang kaso laban kay Erap, o kaya’y ipa-pardon siya agad matapos ma-convict. Dahil lang sa pride niya kaya hindi tinatanggap ni Erap ang mga panunukso ng administrasyon.