Friday, September 7, 2007

Linisin ang sistemang halalan habang maaga

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, September 7, 2007

SARIWA pa sa isip ko ang panawagan ni dating National Security Adviser Joe Almonte nu’ng Disyembre 2002. Isa’t kalahating taon lang noon nang matapos ang congressional election ng 2001, aniya, at isa’t kalahating taon muli ay presidential election naman ng 2004. Nanawagan siyang linisin na sana habang maaga pa ang sistemang halalan, para du’n magsisimula lahat ng kabutihan sa gobyerno. Kapag bulok kasi ang halalan, bulok din ang mga opisyales na mahahalal. Lalo lang hihirap at gugulo ang bansa.

Makalipas ang ilang araw, nu’ng Rizal Day 2002, dineklara ni Gloria Arroyo na hindi na siya kakandidatong Presidente sa 2004. Aminado na siya ang pinagmumulan ng pagkakahati-hati ng bansa.

Hindi naglaon, tumalikod si Arroyo sa pangako. Ang ibang pulitiko, hindi dininig ang pagsusumamo ni Almonte na ayusin ang halalan. Na-appoint na mga Comelec officials sina Ben Abalos at Virgilio Garcillano. Ang kinahi­natnan: Ang 2004 election ang pinaka-marumi at madugo sa kasaysayan.

Pumutok ang Garci tapes nu’ng 2005. Hinadlangan ng House of Reps nang dalawang taon ang impeachment ni Arroyo dahil sa umano’y pandaraya sa halalan. Sa gitna ng gulo sa pulitika, hindi pa rin inasikaso ang paglilinis ng electoral system. Sa halalang 2007, lumala ang bilihan-bentahan ng boto sa presinto, at dagdag-bawas sa canvassing. Na-promote kasi ang mga tauhan ni Garcillano: Sina Rey Sumalipao at Lintang Bedol.

Ngayon binubuhay ni Sen. Panfilo Lacson ang Garci issue. Ewan kung ano ang pakay niya. Pero sana ang pagbubunyag ng mga nag-wiretap kay Garcillano, Arroyo at iba pa ay mauwi sa mga batas at patakaran para maging malinis ang susunod na halalan.

Ngayon pa lang, pumoporma na ang mga nais tumak­bong pagka-Presidente sa Mayo 2010. Sila sana ang mamuno sa kilusang pagbabago ng eleksiyon — ngayon pa lang bago maubos ang panahon.

* * *

Abangan: Sapol ni Jarius Bondoc, Sabado, 8 a.m., sa DWIZ (882-AM).