SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, September 18, 2007
MAIHAHAMBING ang fertilizer scam nu’ng 2004 elections sa ZTE scam nitong 2007 balloting. Pareho silang pakana sa gitna ng eleksiyon para kumalap ng limpak-limpak na pondong pangkampaya ng administrasyon ni Gloria Arroyo.
Repasuhin natin ang nakalipas. Nang pasimula na ang kampanya ng presidential-congressional elections nu’ng 2004, naglaan ng mahigit isang bilyong piso ang Department of Agriculture para sa fertilizers. Isa pala itong scam para mabigyan ng tig-P5-P50 milyon ang mga mayor at congressman na kapartido ni Gloria Arroyo. Pondo ’yon para sa sarili nilang kampanya at para rin ikampanya nila si Arroyo sa pagka-Pangulo. Nag-ikot sa Pilipinas si USec Jocjoc Bolante para ipamahagi ang pondo. Pati congressmen sa mga siyudad, nabigyan kuno ng fertilizers. Kinulong si Bolante dahil sa pagpuslit sa America nang walang visa. Ayaw siyang hingin ng Pilipinas para panagutin tungkol sa kinulimbat. Halatang kasabwat ang administrasyon sa ginawa niya.
Nitong pasimula pa lang ang kampanyang 2007, ZTE Corp. naman ang ginawang palabigasan. Sa unang presyo nitong $262 milyon nu’ng Disyembre 2006, nadiskubre umano ni Joey de Venecia ang kickback na $130 milyon ni Comelec chief Benjamin Abalos. Tapos, nu’ng pinirmahan nina DOTC Sec. Leandro Mendoza at ZTE vice president Yu Yong ang broadband supply contract nu’ng Abril 2007, naging $330 milyon ang presyo. Ito’y dahil may sumingit na malaking negosyante na nangangalap ng pondo para sa partido ng administrasyon. Idinagdag niya ang $68 milyong (P3.2 bilyon) kickback. Alam ito ng isang Cabinet member. Sana magkaroon siya ng lakas ng loob na isiwalat ang kalokohan. Lalo na’t ayaw pa ring ibasura ni Arroyo ang ZTE deal na magpapahirap sa bayan.