Monday, September 10, 2007

Padilla sinisiraan imbis na sagutin

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, September 10, 2007

ISA sa mga magkasosyo sa Amsterdam Holdings Inc., na inetsapuwera ng DOTC para ibigay sa Chinese ZTE Corp. ang national broadband network deal, ay si Joey de Venecia III. At dahil idinawit ni Rep. Carlos Padilla si Comelec head Ben Abalos sa $330-milyon (P16-bilyon) anomalya, sinisiraan nang todo ngayon ang lider-Opo­sisyon. Kesyo raw “pakawala ni Speaker” Joe de Venecia Jr., ama ni Joey, si Padilla.

Malayo ‘yun sa katotohanan. Tingnan ang mga kaganapan:

• Walang partido si Padilla; hepe ng Lakas si JDV. Nu’ng mapait na labanang Speakership nu’ng July, pumanig si Padilla kay Pablo Garcia kontra JDV. Bago siya mag-privilege speech para isangkot si Abalos nu’ng Aug. 29th, naunang magtalumpati ang kapwa-maka-Garcia na Rep. Joey Solis ng Sorsogon. Binanatan ni Solis si JDV dahil sa delayed salaries ng House employees; sinuportahan siya ni Padilla sa interpellation at minungkahing buksan ang libro ng House. Bakit daw sina JDV at chairman ng committee on accounts lang ang nakaaalam ng kalagayan ng pera ng House?

• Nu’ng 1998 nang kumandidato si JDV sa pagka-Presidente, si Padilla ang bukod-tanging Ilocano congressman na kumampi kay Erap bilang LDP member. Nang magbalik-congressman si JDV nu’ng 2001, nilabanan siya sa pagka-Speaker ni Padilla, na nang matalo ay naging House Minority Leader hanggang 2004.

• Walang humpay na kritiko ni JDV si Padilla. Sobra raw ang dami ng Deputy Speakers, chairmen at kasapi ng 70 komite sa Philippine House, samantalang sa US House ay 19 lang ang standing committees. Ito raw ang paraan ni JDV para manatili sa puwesto, at hindi magbabago ang House hanggat namumuno si JDV. Sinabi niya ito sa ABS-CBN nu’ng Speakership fight, at nagalit si JDV. Nang manalo uli si JDV, hindi sumapi si Padilla ni isa man lang komite, at tinanggihan ang tiket-eroplano sa junkets abroad.

‘Yan ba ang pakawala ni JDV?

Sana sagutin na lang ang mga isyung nilabas ni Padilla sa speech: Ang katiwalian sa ZTE deal.