SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, September 24, 2007
PABORITONG interbiyuhin ng media si Atty. Jesus Sison. Masubuan lang kasi ng mikropono, ratsada na siya nang satsat. Alam ng media men na malayo sa katotohanan ang mga sinasabi niya. Pero dahil sa spokesman siya ni First Gentleman Mike Arroyo, obligado silang bigyan siya ng ere sa radio-TV o espasyo sa peryodiko. Tsaka, naghahanap din ang media ng katatawanan — comic relief, ika nga — sa gitna ng mabibigat na balita.
Kaya hayan, hiningan ng media si Santos ng reaksiyon nu’ng Martes nang hapon sa pagdawit ni Joey de Venecia kay Arroyo sa maanomalyang ZTE deal. Hirit agad ni Santos, guniguni lang ni Joey ang panunurot ni Arroyo at pagngisi ng “back off” mula sa national broadband network project sa isang enkuwentro sa Wack Wack Golf and Country Club nu’ng Mayo. Kaso mo, pinahiwatig din ni Sen. Jinggoy Estrada na may kilala siyang waiter na nasaksihan ang pangyayari. Kaya kinabukasan, binago ni Santos ang bersiyon niya. Kesyo nandoon nga raw si Arroyo sa meeting nina Joey, Comelec chief Ben Abalos, DOTC Sec. Leandro Mendoza, at apat pa. Pero hindi naman daw pina atras ni Arroyo si Joey mula sa proyekto, kundi sa pangongontrata sa gobyerno dahil labag kuno ito sa batas. Biglang bida pa ngayon si Arroyo. Katawa-tawang bulaan.
Sinakyan naman agad ni Mendoza ang kuwentong kutsero ni Santos, Nang tumestigo sa Senado nu’ng Huwebes, ani Mendoza na napadaan lang kuno si Arroyo at tinanong kung sino si Joey at ano ang pakay niya. Malu manay daw ang ugali ni Arroyo, kaya’t hinding-hindi niya sinurot si Joey, kundi binalaan lang daw na huwag mangontrata sa gobyerno. Pero butas-butas pa rin ang kuwento. Kung totoong malumanay si Arroyo, bakit siya nanghimasok sa usapan doon? Kung malumanay siya, bakit hindi na lang niya ipinasabi sa ibang tao kay bagong kilala pa lang na Joey na bawal kuno mangontrata sa gobyerno?
Dapat lang ilabas ng media ang panig nina Arroyo,
Mendoza at Abalos. Kasi, parang isda, lalo sila nahuhuli sa bunganga. Napatunayang nagkita nga ang tatlo sa Wack Wack at pinag-usapan ang NBN. Sabit!