SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, September 3, 2007
BIGLANG uminit ang ZTE issue nang idawit ni Rep. Carlos Padilla si Comelec chairman Ben Abalos. Nauna na niyang hinabla si DOTC Sec. Leandro Mendoza nang graft and corruption sa pagpirma sa $330-milyong (P16-bilyong) kontrata. Kaya’t paborito silang tatlo ma-interview sa radio talk shows. Kontra-pelo ang mga salita nila. Maaring gamitin ni Padilla ang mga sinabi ng dalawa para lalong idiin sa anomalya.
Halimbawa ang usapin ng pag-utang sa China Eximbank ng $330 milyon para pondohan ang pagbili sa ZTE Corp. ng exclusive government broadband network. Napaulat na nagkapirmahan na ng pautang nu’ng makalawang Sabado. Ani Mendoza sa panayam ni Ted Failon sa DZMM, nilalakad na nila ang approval ng Monetary Board ng utang. “‘Yun na nga ba ang sinasabi ko,” banat naman ni Padilla nang siya na ang ka-phone patch. “Sabi sa batas kailangan aprubado muna ng Board ang pag-utang bago pa man pirmahan ang loan agreement.”
Dagdag pa ni Mendoza na pinili nila ang ZTE dahil hindi kaya ng dalawang kakompitensiya na pinansiyahan ang proyekto. “‘Yan na nga rin ang sinasabi ko,” ulit ni Padilla. “Ilabas nila lahat ng papeles, para makita ng mga eksperto kung meron nga bang kakayahan o wala ang mga nag-aalok ng broadband network.”
Si Abalos naman ay in-interview ni Arnold Clavio at Ali Sotto sa DZBB. Umamin ang Comelec chief na di-bababa sa tatlong beses siya pumunta sa Shenzhen kamakailan para makipag-golf sa ZRE execs. Pinag-usapan daw nila ang pag-invest para umunlad ang Mindanao’ “krimen ba ‘yun?” Hindi nga impeachable offense maki-golf, sagot ni Padilla, pero bakit nakikipag-usap pa si Abalos sa ZTE gayong kontrobersiyal na ito at nasa gitna na ng election period.