SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, September 14, 2007
WALUMPU’T walong milyong Pilipino tayo. Dahil sa kauutang ng gobyerno — na tayong mga mamamayan naman ang magbabayad sa pamamagitan ng buwis — may kargo ang bawa’t isa sa atin na P44,000. Ibig sabihin, bawat isa sa atin — bata o matanda, babae o lalaki, mayaman o mahirap — ay nakasanla sa halagang ‘yan, at dapat matubos. Karamihan ng utang na ‘yan ay sa mga dayuhang bangko o gobyerno.
Bakit tayo nagkautang nang ganyan? Sabi nila, kung minsan ay dahil kinailangan, tulad ng bigas o trigo sa panahon ng sakuna. Pero karamihan ng utang ay para sa mga proyekto tulad ng bagong airport o pier, kalsada o tulay, paaralan o ospital. Umuutang para diyan dahil kulang ang pondo ng gobyerno para sa mga dapat bilhing serbisyo o supply. Bakit kulang? Kasi ninanakaw ng mga nasa gobyerno rin. At diyan nagsisimula ang vicious circle. Dahil nakikita ng mamamayan na ninanakaw lang ang ibinabayad nilang buwis — o kaya winawaldas sa mga proyekto kung saan nakapaskel ang pangalan ng opisyal na may-pakulo — dinadaya na rin nila ang pagbabayad ng buwis. Ninanakaw ng nasa puwesto, dinadaya ng mamamayan: Ang resulta ay kapos ang pera para sa mga proyekto tulad ng infrastructures, kagamitan at serbisyo (halimbawa, pabahay, edukasyon, kalusugan).
Sa ZTE deal nakapaloob lahat ng kabulukan. Overpriced ang deal. Sa kabuuang halagang $330 milyon (P16 bilyon) ay may kickback na $200 milyon (P10 bilyon). Pati nga mga opisyal na wala naman kinalaman sa telecoms ay nakisawsaw.
Hindi natin kailangan ang ibinebenta ng ZTE Corp. na national broadband network. Pero ipapangutang pa ng gobyerno sa China Eximbank ang halaga. Kikita agad ang mga kawatan. Magbabayad tayo nang 20 taon. Hindi natin alam kung para saan dahil itinatago sa publiko ang kontrata. Pero ang kargo ng bawat isa sa atin na P44,000 dahil sa utang ng gobyerno ay madadagdagan pa ng $1,000. Sa panahon pa lang ni Gloria Arroyo, mas malaki na ang nautang kaysa apat na Presidente mula 1964.