SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, September 11, 2007
APAT na senador ang nagpapaimbestiga sa ZTE deal hindi lamang dahil sa katiwalian kundi dahil sa banta sa national security. Anina Sen. Mar Roxas, Gregorio Honasan, Pia Cayetano at Ping Lacson, delikado raw ibigay sa dayuhang bansa ang pagtayo, mentena at pagpapaandar ng exclusive government broadband network. Kasi, pagsasama-samahin sa network lahat ng Internet, land line at video-conferencing ng national at local agencies. Maari itong gamiting pagkakataon ng Tsina para espiyahan ang gobyerno. Madidiskubre nila ang mga sekreto ng estado, tulad ng disposisyon ng mga unit ng Sandatahang Lakas, o balaking diplomasya, o mga usapan tungkol sa Spratly Islands kung saan may overlapping claim ang Pilipinas at Tsina.
Ang ZTE Corp. ay itinatag sa Shenzhen nu’ng 1989 ng mga heneral ng People’s Liberation Army. Nu’ng 2001 ibinenta nila ang kalahati sa pribadong sektor nang ilista sa Shenzhen at Hong Kong stock exchanges. No. 3 telecom maker ngayon ang ZTE sa Tsina. Dahil sa impluwensiya ng mga heneral, maraming kontrata ang ZTE sa gobyerno. Kasama rito ang maseselang supply ng telecoms para sa militar, kasama na ang bugging devices at spy satellites.
Notorious ang Tsina sa pagbabantay sa land line, Internet at pati sa cell phones. Sa mahigit 500 siyudad, merong mga 24-hour listening posts. Wina-wiretap nila ang mga dissidents. Pati sa Internet, nag-e-eavesdrop ang militar. Kapag may mag-e-mail tungkol sa aktibidades ng Falun Gong o Simbahang Katoliko, halimbawa, agad itong nalalaman, at pinapupuntahan sa pulis ang e-mailer. Pati ang mga higanteng Google at Yahoo! ay brinaso ng mga awtoridad na ipasilip ang mga private e-mail ng minamanmanang tao at ibawal ang lahat ng dissident websites. Katulong ang ZTE sa lahat ng ito.