SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, August 27, 2007
AYON kay Comelec chief Benjamin Abalos, labis na ang kabulukang-asal nating mga Pilipino kaya nagbebenta’t namimili tayo ng boto. Maari nga.
Pero may bubulok pa ba sa asal ng Comelec official na aking ibibisto na nagpakana ng $330-milyong ZTE deal para sa kickback na $200 milyon? Ano kaya ang masasabi ni Chairman Abalos?
Ang Comelec official na ito ang nilapitan ng ZTE Corp. ng China para ilako sa gobyerno ang national broadband network. Mula Setyembre hanggang Disyembre 2007, maraming beses siya bumiyahe sa Shenzhen, headquarters ng telecoms company na 50% pag-aari ng mga heneral. Plinantsa nila ang pag-aalok ng suhol sa gobyerno.
Mahilig ang Comelec official sa bawal na pag-ibig. Pero para hindi halata, isinama niya noon ang misis sa mga biyahe hanggang Hong Kong, kung saan iniiwanan para mag-shopping. Tuloy naman siya sa Shenzhen. Doon, pinasasalubungan siya ng ZTE executives nang dalawang “chicks”: isa sa umaga, isa sa gabi. Kasama niya ito habang naggo-golf sila ng ZTE execs. Binibigyan din siya ng pulang tabletas, Chinese version ng Viagra. Naglalamiyerda siya sa gabi. Minsan, umangal ang guests sa Kempinski Hotel-Shenzhen dahil hanggang sa corridors ay maingay na naghaharutan ang opisyal at ang kalaguyo.
Nagkaroon ng mainitang miting ang opisyal at ZTE execs nu’ng Dis. 27 sa hotel business center sa tabi ng ZTE head quarters. Hinihingi niya ang paunang parte niya sa kickback mula sa kontrata. Sabi ng isang babaeng executive, e paano naman ang nai-abot na nilang $3 million.
Nu’ng panahong ‘yon, ang ikakasa nilang presyo ng broadband setup ay $262 milyon, kung saan ang kickback ay $130 milyon. Problema, may dalawang kakompetensiya na mas maganda ang presyo. Imbis na babaan ito, tinawag ng Comelec official ang isang mas matinding taga-kurakot. Ginawa nilang $330 milyon ang presyo, para $200 milyon (P10 bilyon) ang kickback sa pagtulak ng broadband project. Hindi kailangan ng bayan ang setup, pero pababayaran nila ito sa atin para kumikbak sila.