SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, February 25, 2008
KUNG balak ng Arroyo admin idribol ang imbestigasyon ng Ombudsman sa ZTE deal para mahupa ang galit na madla, magdalawang-isip
Kung tutuusin, napilitan na ngang mag-inhibit ni Ombudsman Mercedita Gutierrez. Kaklase niya kasi sa law school si First Gentleman Mike Arroyo, na dawit sa $200-milyong kickback sa $330-milyong deal. Pero nagbabantay pa rin ang mamamayan sa maaring iliku-liko ng kaso. Batid ng madla ang masamang pagtrato ng Ombudsman sa mga kaso ng katiwalian. Nu’ng nakaraang taon, inanunsyo sa wakas ni Gutierrez na kakasuhan na ng plunder ang dating boss na justice secretary Hernando Perez dahil sa pangingikil ng $2 milyon kay Mark Jimenez. Pero hanggang ngayon wala pang isinasampang kaso sa Sandiganbayan. Mas malala, pinasya ng Korte Suprema nu’ng 2004 na maanomalya ang P1.3-bilyong Comelec automation ni Benjamin Abalos. Pero sa isang kataka-takang desisyon, pinawalang-sala ng Ombudsman si Abalos, na sangkot na naman dito sa ZTE scam.
Kampante ang MalacaƱang sa harap ng protesta sa ZTE deal at iba pang katiwalian. Sawa na nga kasi ang taumbayan sa kapi-People Power Revolt. Hangad nila ngayon na makitang umaandar nang kusa ang sistema hustisya. Huwag pagsamantalahan ng admin sa ganitong damdamin ng masa. Kapag naramdaman ng tao na niloloko na sila, magmamartsa sila muli para patalsikin ang manloloko.