Friday, February 22, 2008

Sawa na sa katiwalian, sawa na ring lumaban

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, February 22, 2008

TALAMAK na talaga ang katiwalian sa baba at taas ng gobyerno. Sa LTO central office sa East Avenue at Cubao, Quezon City, sinalubong ng fixers ang hindi nila kilalang bagong hepe ng ahensiya — at hiningan ng P1,000 para bumilis ang pag-renew ng driver’s license. Sa MalacaƱang at Gabinete mahigit isang dosenang krimen ang ginawa sa pagtaguyod at pagtatakip sa ZTE scam. At sa lahat ng sangay ng gobyerno — ehekutibo, lehislatura at hudikatura — perahan na lang ang nangyayari.

Malaon nang nanlumo ang mamamayan sa katiwalian. Sumuko na ang karamihan sa media. Ang mga negos­yante, nag­bibigay na lang ng hinihinging suhol upang ma-serbisyuhan ng gobyerno. Ang mga botante, nilalako na ang boto na alam nilang hindi naman mabibilang. Ang mga abogado, tinatang-gap na lang ang sistemang highest bidder sa mga kaso sa korte. Pati mga pinuno ng simbahan ay nagbubulag-bulagan na sa kasalanan, dahil mga nag-aabuloy sa kanila ang mga nangungulimbat.

Sinuri ni Eufemio Domingo, dating hepe ng Commission on Audit at Presidential Anti-Graft Commission, ang isang masamang ugali ng Pilipino. Aniya, muhing-muhi tayo sa katiwalian — pero kilig na kilig tayo kapag duma­dalo ang mga tiwaling opisyales sa ating mga kasalan, binyagan at kainan. Ito raw ang rason kung bakit lalong lumalakas ang loob ng mga magnanakaw sa gobyerno na ibulsa ang pera ng taumbayan. Iniidolo kasi sila ng madla.

Sana, ani Domingo, baguhin ng Pilipino ang maling ugaling ito. Imbis na tangkilikin ang tiwali, dapat daw ay talikuran at tuyain sila. Huwag daw dapat imbitahin sa mga piging. Ni huwag daw dapat kausapin. Pagbawalan daw pumasok sa simbahan, at huwag bigyan ng Komun­yon. Sa gan’ung paraan daw, kikilabutan ang mga tiwali at matatakot nang magnakaw. Isa sa pinaka-matinding kinatatakutan ng tao ang ihiwalay sa lipunan na parang ketongin nu’ng sinaunang panahon.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com