Friday, February 29, 2008

DOJ pambambo sa tumutuligsa

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, February 29, 2008

SADYA bang baliktad na ang mundo? Ito ang tanong ni ZTE scam witness Jun Lozada sa sarili nang usisain din siya ng bunsong anak: “Dad, kung hero ka dahil sa katapangan mong ibunyag ang kasakiman sa ZTE deal, bakit tayo ang nagtatago (dito sa La Salle Greenhills)?”

Aba’y baliktad na talaga ang mundo. Masdan ang Department of Justice, sa pagsigaw ni Lozada na kinid-nap siya ng mga di-kilalang armadong lalaki sa airport nang umuwi nu’ng Feb. 5. Ihahabla raw siya ng DOJ ng perjury (pagbubulaan habang nakasumpa) dahil pina­niniwalaan nito ang bulol-bulol na kuwento nina Gen. Angel Atutubo at Col. Paul MascariƱas na inikot lang nila sa Laguna si Lozada bilang pag-secure sa kanya.

Kakasuhan din daw ng DOJ ang asawa ni Lozada na si Violeta, dahil sa pag-file nito ng writ of habeas corpus nu’ng Feb. 6 miski nagkita na silang mag-asawa nu’ng gabi ng Feb. 5. Ni hindi pinansin ang sinumpaang salaysay nila Lozada at ng pari sa La Salle na sinundo pa uli ni Mas­cariƱas ang witness nu’ng Feb. 6 para dalhin sa di-sinabing lugar.

Kakasuhan pa rin ng DOJ si Lozada nang graft dahil sa mga inamin nitong katiwalian sa Senate inquiry. Pero ni hindi pinapansin ng DOJ ang mga testimonya at ebidensya ng pangungulimbat sa ZTE deal na lumabas noon pang 2007.

Pati si Sec. Romy Neri kakasuhan din ng DOJ dahil sa paglabag umano sa executive privilege nang ikuwento sa Senado ang mga pinag-usapan nila ni President Gloria Macapagal-Arroyo tungkol sa deal. Ang katawa-tawa dito, e executive privilege din ang ihinihirit ni Neri para ilihim sa Senado ang mga pinag-usapan nila.

Naging taliwas sa hustisya ang kilos ng DOJ dahil sa pinuno nitong si Sec. Raul Gonzalez. Hindi basta partisano ni GMA si Gonzalez; binabali pa niya ang batas para lang pagtakpan ang katiwalian sa Arroyo admin.

Ang tanong: Tatahimik na lang ba ang mga matitinik na abogado’t abogada sa DOJ sa paglulubog sa kanilang lahat ng isang partisanong bumabali sa batas? Kung oo, aba’y parang kasabwat na sila ni Gonzalez.