SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Stra Ngayon, Friday, February 1, 2008
“ANG mahahalagang bagay ay di dapat iniilalim ng mahihinang bagay,” ani Goethe, ang makata’t imbentor na Aleman, nu’ng mga 1800. Makalipas ang isang siglo, natuklasan ng ekonomistang Italyanong si Pareto, habang sinusuri ang yaman ng Uropa, na mayorya pala ng lupain at kita ay nasa kamay ng minorya ng populasyon. Para eksakto, 20% lang na mayayaman ang may hawak ng 80% ng kayamanan.
Ayon sa kuwento, natuklasan ni Pareto ang “prinsipyong 80/20” sa iba pang bansa at sa ibang panahon. Aba’y pati sa hardin niya’y napansin niyang 20% lang ng munggo ang bumubunga ng 80% ng ani. Mula noon, marami pang natuklasang kahalintulad ang researchers: 20% ng kriminal ang naghahasik ng 80% ng krimen; 20% ng motorista ang nagtatala ng 80% ng aksidente; 20% ng mag-aasawa ang nauuwi sa 80% ng hiwalayan; 20% ng sahig ang tinatamaan ng 80% ng gasgas; 20% ng mga kalye ang dinadaanan ng 80% ng trapik; 20% ng mga produkto ang nagbibigay ng 80% ng problema; at 20% nga ng mga kliyente ang nagpapasok ng 80% ng tubo ng kompanya.
Marami pang nailista nitong nakaraaang limang taon: 20% ng damit sa closet ay nasusuot 80% ng okasyon; 20% ng manginginom ay umuubos sa 80% ng beer; at 20% lang ng sales force ang nag-uuwi ng 80% ng benta. Maaring ikaw mismo ay makapansin ng iba pang “80/20”.
Pinayo ni Richard Koch sa librong “Prinsipyong 80/20: Lihim ng Tagumpay sa Konting Kilos,” dapat magsanay tayong pansinin lang ang mga konting mahahalagang bagay at huwag nang mag-abala sa maliliit. Sa ganu’ng paraan, matututo tayong tingnan ang gubat imbis na mga puno.
Mahirap ‘yon ugaliin, batid nina Kristine at Richard Carlson sa libro nilang “Don’t Sweat the Small Stuff.” Pero mariing payo nila na huwag tayo magpapadala, magpapagalit, magpapalungkot, magpapasira, o magpapagamit sa mga walang kapararakang tao, bagay o sitwasyon. Sayang lang daw ang oras at pawis sa maliliit o mahihina. Hindi naman ito ang nagpapaikot sa mundo.
* * *