SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, February 18, 2008
NILILITO ni Press Sec. Ignacio Bunye ang madla tuwing sinasabing puro daldal lang at walang solidong ebidensiya ng katiwalian sa ZTE deal. Merong papeles — at dapat itong ipaliwanag.
Una sa listahan ang annexes sa $330-milyong DOTC-ZTE contract. Ayon sa Bill of Materials at Bill of Quantities, halagang $194,051,628 ang telecom hardware at $135,429,313 ang serbisyo, para sa kabuuang $329,480,941. Nagsumite si Joey de Venecia ng alam niyang presyuhan ng equipment at services sa telecom industry, at pumalo lang ito sa halagang $96,078,246 at $36,733,786, o total na $132,812,032. Lumilitaw ang overprice na $196,668,909. Mabeberipika ng Senado ang overprice kapag kausapin nito ang telecom experts.
Meron pang ibang dokumento. Halimbawa, minutes ng NEDA board meeting nu’ng Nob. 2006 kung saan iginiit ni President Gloria Arroyo na build-operate-transfer dapat ang broadband network, pero ginawang utang batay sa kontrata. At ang pag-atras ng pag-utang sa
May papeles din sa pagdukot kay saksing Jun Lozada. Taliwas ito sa hirit ng pulisya na sinundo kuno nila siya sa airport para protektahan. Nakatala sa airport security logbooks na tatlong sundalo ng Presidential Security Group ang umakyat sa arrival area para kaunin “ang VIP” (si Lozada). Sa kotse rin ng PSG, puting Toyota Corolla Altis na may plakang ZCJ 556, isinakay si Lozada.