SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, February 26, 2008
SINUMANG nais wasakin ng mga diyoso, sinisira muna nila ang ulo. At baliw na nga ang Arroyo admin, kung ang pagbabatayan ay ang mga kilos at salita nito sa $200-milyong kickback sa $330-milyong ZTE deal.
Biruin mo, tinawag pala ni Sec. Romy Neri na evil ang amo niyang President Gloria Macapagal Arroyo. Hindi niya diretsang maitanggi ang pagbubunyag ng kaibigan niyang state witness na si Jun Lozada. Sabi na lang niya na hindi niya maalalang sabihin ‘yon sa miting nu’ng Dec. 7 kay Senators Ping Lacson at Jamby Madrigal. Pero ang mas kabaliwan ay nang mag-”unity walk” kinabukasan ang Gabinete para magpakita ng pakikiisa sa binabatikos na GMA. Ipinagtabi pa ng direktor ng eksena sina GMA at Neri, na nag-isnaban naman. Tanong tuloy ng madla: Sino sa dalawa ang naniniwala sa pangaral ni Sun Tzu na “ilapit sa sarili ang mga kaibigan at mas malapit ang mga kaaway.”
Kinabukasan pa uli, ibinunyag ni Gina de Venecia, asawa ni dating-Speaker Joe, na ilang beses na nga sinabi ni Neri sa kanilang mag-asawa na evil nga si GMA. Hindi na ito sinagot ni Neri, kasi parang anak ang trato sa kanya nina Joe at Gina. Silence is guilt, ika nga.
Kasabay nu’n nag-lecture si presidential economic adviser (Albay Gov.) Joey Salceda sa Ateneo at sinabing: “Bitch nga si Arroyo pero pinaka-masuwerteng bitch siya sa lahat.” E meron palang TV camera na nakunan ang lahat. Nabisto tuloy ang pananaw kay GMA ng mga tauhan niya.