Monday, February 4, 2008

Pork barrel ng Kamara mapapasakamay ni FG

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, February 4, 2008

SAMU’T SARING pansariling interes ang naghahalo sa planong pagbagsak na Kampi kay Speaker Joe de Venecia ngayong araw. Nariyan ang ambisyon ni Rep. Prospero Nograles na humalili sa ika-4 na pinakamataas na puwesto sa bansa. Nariyan ang pakay nina Kampi chairman at Interior Sec. Ronnie Puno, at president Rep. Luis Villafuerte na palawakin ang impluwensiya ng partido bilang paghahanda sa 2010 national-local election. At nariyan ang paghihiganti ng mga Arroyo — sina Reps. Mikey at Dato na anak ni Presidente Gloria Arroyo, at Rep. Iggy na bayaw niya — dahil sa pagsangkot ng anak ni Speaker de Venecia na si Joey III kay First gentleman Mike Arroyo sa mga anomalya sa ZTE deal.

Pero ang pagsuporta sa kanila (o kay de Venecia) ng mga kongresista mula sa iba’t ibang distrito at partido ay batay lang sa iisang punto: Ang pork barrel.

Tig-P70 milyon kada taon ang pork barrel ng mga kongre­sista — o P16.73 bilyon para sa 239 mambabatas. (Bukod pa ang tig-P200 milyon ng bawat senador.) Ang importante para sa mga kongresista ay kung sinong pinuno ang makakapagpa-release ng pondo nila mula sa Department of Budget and Management. Pananatilihin nila si De Venecia o ipapalit si Nograles batay sa kakayahang ‘yan. At dahil ang DBM ay nasa ilalim ng ehekutibo, mabigat ang pasya ng Presidente kung sino ang pina­paboran sa dalawa.

Sa pulong nina De Venecia at Mrs. Arroyo nu’ng Huwe­bes, napaulat na ipinangako raw ng huli ang suporta para sa una. Dagdag pa, paaatrasin daw ni Mrs. Arroyo ang mga kamag-anak sa pagpapatalsik kay De Venecia.

Kung gan’un, e di mananatili sa puwesto si De Venecia. Patahimikin lang niya ang anak tungkol sa ZTE scam, e kampante na siya.

Maraming ayaw kay De Venecia. Pero isipin na lang nila kung si Nograles na manok nina Mike, Iggy, Mikey at Dato Arroyo ang maging Spealer. Aba’y magiging tuta siya ng pinaka-makapangyarihang angkan sa bansa. Mapapasakamay ng mga Arroyo ang P16.73 bilyong pork ng Kamara. Sila ang magdidikta kung kanino ire-release at kung para saan.